Ulan sa Mayo
Hinhintay mo siya sa bawat takipsilim
Di mapakali kung anong panimdim
Walang hiblang hindi nausisa’t naipinta
Sa alaala ng nakalipas na pagsinta
Lagaslas ng mga tubig sa batis na sumasaknong
Sa tipa ng mga siit ng punong kumakanlong
Diwa mo’y naglalakbay ang katarok ay ang hangin
Nagpupuyos at nagsusumamong ika’y wag linlangin
Ang mga matang nag-uumapoy sa sidhi ng damdamin
Impit na luha at ang mga katagang hindi maamin
Walang pihong datal ng pag-asa sa mundong balatkayo
Tulad ng mga pangakong napako at ulan sa Mayo
Bitaw sa Hangin
sa himutok ng diwa
labis ang ngawa
sisirin man sa dagat
madadala rin ng habagat
kung sa paglubog ng araw
pangarap ay di matanaw
huwag sanang manimdim
araw ma’y kumukulimlim
” ‘Miss, mayroon na ba kayong kopya ng Wag Lang Di Makaraos?’, tanong ko sa isang assistant ng book store. ‘Saglit lang po Sir’, magalang niyang tugon. Sa tabi ko ay may isang matandang babae na malamang ay nasa sisenta anyos, salubong ang kilay at nakatingin sa akin. ‘Ang bastos naman ng…
Tag-ulan sa Tag-araw
Kung may kasabihang “pagputi ng uwak, pag-itim ng tagak” malamang swak na swak ito sa panahon ngayon. Hindi pa man umaarangkada ang tag-init eh heto at tag-ulan na naman. Medyo weird ang panahon ngayon, kapag uminit sobrang init at pag-lumamig bigla-bigla. Wala na sigurong tatalo sa buhay namin bilang guro dito sa pinagpipitagang eskwelehang kinasasangkutan ko. Bakit kanyo? kasi sobrang daming mga kaganapan ang minsan ay di maipaliwanag ng siyensya. Nagpakabayani ako noong nakaraang weekends para tapusin na ang mga requirement sa mga grades ng students ko only to find out na next week pa pala ang deadline. Sabagay mas magaling daw ang maagap sa masipag. Pero pareho kung ginawa ang pagiging maagap at masipag. Ibig sabihin libre na ako sa mga stressful days na kakaharapin ng mga bayani ng bayan na kung tawagin ay guro. Kahit college professors o instructors kung tawagin sa wika natin guro pa rin sila. Mahirap maging prof kasi sobrang daming hassle pag dating sa computation ng grades. Idagdag pa dito ang mga students na kalimitang naghahabol pag ganitong panahon. Sa panahong sila ay pumapasok di sila nag-aalala kung sila ay pasa o bagsak pero matapos ang semestre dun sila nagkukumahog na manalangin sa kanilang grado.
Salamat na lang at may internet pangpawala rin ng inip kahit pa sabihing sa eskwelehang ito ay nakablock ang facebook, twitter at youtube. Buti na lang at gumagana ang tumblr. Hanggang kelan kaya makikipagulayaw sa panahon? Siguro mas mabuting pag-isipan kung kelan nga ba makakabangon ang bansang Pinas sa kahirapang sinasadlakan. Matapos mauso ang “Noynoying”, ang walang kwentang paghabol sa ice cream na Magnum at pagtretrending ng sinasabi ni Vice Ganda sa Twitter at mga kalokohan ni Simsimi, ano pa kaya ang naghihintay sa buhay nating mga Pinoy? Buhay pa kaya ako sa mas magandang kinabukasan ng bansang ito? Darating pa ba ang panahong mas matino ang kulturang Pinoy tungkol sa disiplina at pagkalinga sa kapwa? Sana bangungot na lang ito na bukas wala na.
Kung sabagay lahat naman ng babagay ay lilipas din. Hanggang kailan kaya ang tag-ulan sa tag-araw.
Class divide
Habang nagprepresent ang mga students ko ng kanilang etnographic video may isang video na medyo ako na-alarma. Ang video ay tungkol sa isang free night school ng isang sikat na paaralan. Tinatackle sa video ang mga feeling ng mga students ng night school sa allegedly na discrimination na nararanasan nila with the regular “coniotic” students. Na-bothered ako kasi parang ang dating ng salita ng iniinterview ay tulad sa melodramatic na sineng “Bukas Luluhod ang mga Tala”. Ibig sabihin, darating ang araw makakaganti din sila.
Napaisip ako kung ano bang values natutunan ng mga students sa paaralang ito both the regular at dun sa mga taga night school. Puro kasosyalan lang ba at pangarap na yumaman? Maghiganti kapag inaapi? Meron pang nagsabi sa interview na “hindi kasalanan ang ipinanganak na mahirap pero kasalanan ang mamatay ng mahirap”. Ano raw? sobrang lakas ng class divide sa kanila kaya pinapangarap nilang maging socially mobile. Upward social mobility ang gustong mangyari. Para bang ang sukatan ng pagkatao ang ang maging tanyag at mayaman. Sa huli, nakalimutan nila na ang dapat na mangyari sa kanila ang sila ay maging isang mabuting tao at Kristiyano. Afterall, yun talaga ang pinupuntirya ng mission statement ng paaralan. Kung ganito rin lang ang kakahinatnan ng outreach school, sa public school na lang pag-aralin ang mga anak.
Sa saliw ng siomai at squid balls
Kagabi nagsimba ako ng anticipated mass, heto na naman ang favorite kong homilist umaarya ang “moralistang attack” instead of evangelizing. Kesyo wala daw siyang sasakyan for the moment, asus, nagpaparinig baka may magbibigay, kesyo, kesyo, sa sobra kong di matake ang sinasabi bumaba ako at sa tabi ng church may tindang siomai at squid balls, kaya yun napakain tuloy ako. Hanggang kelan ko kaya madidigest itong si homilist? Sabi nga dapat di raw tinitingnan kung ano personality ng priest, pero naman tao din lang ako, sana naman may makapagpayo kay padre na medyo bawasan nya ang sobra nyang animated at modulated na boses.. ginagaya kasi nya ang charisma ng tiyo nyang pari. Sige, sa susunod di na talaga ako magwawalk out pero sana Lord kunin nyo na siya.
Pork Giniling
Sobra ang pagkasabik ko sa pork giniling nitong huling mga araw kaya’t nagluto ako ngayong gabi ng pork giniling with bell pepper at patatas. Kaya lang naging malungkot ako kasi sa Tuesday simula na pala ang re-routing ng mga mga jeep papuntang terminal pa bus stop. Hindi ko na maintindihan ang mala-circus na traffic scheme dine sa amin ang dahilan “for the benefits of the entire city” kuno.
Sobra na itong pahirap sa mga commuters sa paghaba lalo ng oras na kanilang lalakbayin dahil sa iikot ka pa bago ka makarating sa iyong lugar na pupuntahan at madaragdagan ang pamasahe mong dating iisa lang ang binabayaran. Sige malapit na ang 2013, ewan ko lang pag nag-alborto na ang sambayanan. Sana naman makuha na sila sa tingin!
Sobra na talaga!



